ang Pasko nung bata ako

Pasko ay paparating na. ngayon lang ata ako hindi makaka-kumpleto ng simbang gabi mula nung namanata nako nung 4th year college ako. pero sisikapin ko talaga na makadalo ng Misa de Gallo para sa araw ng Pasko. noon e tuwang tuwa ako tuwing papalapit ang araw na ito sapagkat madami ang aking kasasabikan. ngunit sa panahon ngayon, at dala na rin ng modernisasyon, unti-unting nawawalan ng saysay ang tunay na diwa nito.

sa aking paglaki ay naramdaman ko ang hirap ng buhay. nakipag-sapalaran, nadapa, bumangon, nadapa, ginamot ang sarili at nag-ipon ng lakas. lahat ay nauulit lamang sa pagdaan ng panahon. may nakilala, nakaaway, naging kaibigan, nagawan ng kasalanan at nakalimutan. parang Pasko din na taon-taon na dumadaan at napaglilipasan ng panahon. minsan di na alintana sa aking paggising na Pasko na pala. parang normal na araw na lamang ito ngunit walang pasok. di tulad noon na ramdam na ramdam ang kasabikan dahil sa mga senyales na tulad ng mga ito:

karoling. naranasan ko ding umawit ng walang kamatayan at di-pinagsasawaang "Sa May Bahay Ang Aming Bati..." hanggang "Tenkyu, Tenkyu..." at inabangan ang aginaldong ibibigay ng tao sa bintana kahit maliit na barya lamang ito at gagawing pambili ng kendi sa gabing iyon. kung sinuswerte, ihuhulog sa munting alkansya ang limang pisong papel at babasagin nalang ito pagdating ng Bagong Taon. dahil sa ako'y isa sa mga lalong nakababatang nangangaroling noon, saling ketket na lang ang naibabahagi sa akin ng mga dupang kong kasama. (may reklamo? lol)

ang mga dekorasyon sa bahay. nangantyaw din ako ng mga matatanda. sinubukan ko ding magsabit ng medyas sa pinto at umasang magkakaroon ito ng laman sa araw ng Pasko. ang Christmas tree namin animo'y Nobyembre pa lang ay inilalabas na. masaya na kaming lahat ay nagtutulong-tulong sa pagpapalamuti nito at inaabangan naming gumabi para masindihan ang Christmas lights.

COD. ito yung sikat na sikat na display sa Cubao at naaalala ko pang sabay silang binubuksan ng higanteng Krismas Tri sa Araneta Center. nirepair na mga mannequin ang mga ito na iisang klaseng kilos lang ang ginagawa. kahit anong tema sa bawat taon e hindi nawawala ang mga sponsor na paparada ayaw ko pa ngang umuwi noon kahit masakit na ang mga paa ko kakatayo sa harap ng COD. magandang istratehiya ito para sa establisimiyento dahil pagkatapos ng isang palabas ay inaanyayahan ang mga mamimili na pumasok sa loob ng mall. wala na ang atraksyong ito ngayon. nasa Greenhills na ito.

pamamasko kahit bitbit ka lang. ito ay inaamin ko. at sa tingin ko hanggang ngayon ay ginagawa pa rin ito ng mga bata ngunit mas malala na, kakatok nalang sila na parang sumali sa Tok Tok Tok na pag pinagbuksan mo ay magkakaroon sila ng pera. ako ay sinasama lang ng aking mga tiyahin sa kanilang mga kakilala at dun na rin ako namamasko. pero napapadaan din naman ako sa aking mga tunay na mga ninong at ninang. sayang din ang tig-bebente, lima-lima at sampu-sampung barya noon para maipon.

ang mga pagkain. bihirang maalala ko na may hamon kami taon taon sa hapag-kainan. dahil bata kapa, mahilig ako sa spaghetti, hotdog, champorado, at suman. at tatapusin mo ang pagkain sa pag-inom ng Coke (smile!) o Zest-o.

kaliwa't kanang pagmamano. magalang lang daw ako minsan pag Pasko lang. e kasi naman, sinasabihan ka na pag hindi ka nagmano e hindi ka bibigyan ng pamasko. ayun, basta lahat ng matandang bisita mamanuhan ko. hehe

naisip ko tuloy, bata pa lang ako, mukha na pala talaga akong PERA. hahaha... kita nyo naman ang training diba?

ang mga palabas sa TV. di nawawala ang Pasadena Rose Parade, Christmas cartoon specials at New Year Countdown. ewan ko ba bakit may pakiramdam ako tuwing countdown e tutok na tutok ako sa TV. tapos nito lang nauso ang mga year-end reports. mas maganda pa nga kasi ata ang mga fireworks sa TV kesa lumabas ka ng bahay at manood ng mga baby rocket at kwitis. nung nauso ang fountain saka lang ako naaliw na lumabas.

syempre di talaga namin kinalimutan ang wastong diwa nito. kapag inilalabas namin ang Belen, nanonood kame ng COD at ang ilang bahagi ng aming pamasko, pinapaalalahanan kame na ang bawat biyaya ay namula sa Kanya. salamat sa Pasko.